Kasaysayan mo may saysay sa'yo
ATING BALIKAN, MASAYANG NAKARAAN
Sa pag-aaral ng kasaysayan ay marami tayong dapat isaalang-alang upang ang mga ito’y ating maisabuhay. Simulan natin sa tanong na: Paano mo maisusulong ang pag-aaral ng kasaysayan? Sa pag-aaral ng kasaysayan mahalaga muna nating malaman ang kahulugan nito. Ano nga ba kasaysayan, kadalasang sinasagot ay tungkol sa taon at petsa, mga pangalan ng mga tao at mga lugar, at mga pangyayari sa nakalipas. Ito naman ay tama, ngunit hindi naman ito nakatuon lamang sa ganitong usapin. Ano nga ba ang kahulugan ng kasaysayan? Ayon kay Dr. Zeus Salazar ang kasaysayan ay salaysay na may saysay para sa mga sinasalaysayang grupo. Dagdag pa n’ya, ang kasaysayan ay “saysay” na dalawa ang kahulugan. Una: Isang salaysay o kwento at Pangalawa: Kahulugan, katuturan, kabuluhan at kahalagahan.
Dr. Zeus A. Salazar.
Filipino Historian, anthropologist and philosopher of History.
Sa paglipas ng panahon, ang kasaysayan ay tila ba ang hirap aralin sa nakararami. Marami sa atin na sa tuwing makakakita at matututo ng mga dayuhang mga konsepto ay nahuhumaling tayo sa mga ito at nakakalimutan nang tingnan ang lipunan sa sariling atin at mga konsepto. Mayroon nga’ng iba na hindi pa nga nakatutuntong sa ibang bansa, ang kanilang mga kaisipan ay naroon na, at may pagkakataon na kutyain o sabihing hindi tama ang kaisipan ng sariling bayan. Sa matagal na panahon, sinasabing “boring” ang pag-aaral ng nakaraan sa Pilipinas. Walang talab sa puso ng marami.(Dr.Zeus Salasar) Ito ay maaring sa katagalan ng panahon, ang kanluraning pakahulugan sa “history” ang ginagamit o umiiral. Ang kahulugan ng “History” sa mga diksyunaryo (dictionary) ay hindi lamang tumutukoy sa “study of past events” kundi din sa “chronological record of events.” Samakatuwid, ang mga nasulat o nakasulat lamang ang mababalikan; “no documents, no history.” Sa Kanluraning mga lipunan, ito ay advantage sa kanila, sapagkat sila talaga ay mga writing societies hindi katulad ng pilipinas na bagamat may ginagamit na pamamaraan sa pagsulat ang ating mga ninuno noon, hindi parin ito sapat upang makapagtala ng pangyayari noon.
Samakatuwid, ang mga nakasulat na dokumento ng nakaraan sa bansa natin ay naisulat ng (1) mga edukado at mayayaman (sila lamang ang natutong magsulat) at (2) mga kolonya na sumakop ang sumulat tungkol sa ating nakaraan. Ito ay nagpapakita ng pananaw sa atin na mas mababang uri tayo ng mga nilalang. At sila ay mga amo at tayo ay mga alipin lamang.Sa kasamaang palad, dahil sa mga binasa natin ang mga batis o sources na ito at pinaniwalaan natin, kaya may mababa tayong pagtingin sa ating sariling bayan. At tinitingnan natin ang mga magagandang bagay sa ating bayan bilang impluwensya lamang o nanggagaling sa mga nanakop sa ating bayan. (Halimbawa, ang pananampalataya sa Diyos ay nanggaling sa mga Espanyol, ang edukasyon at karunungan ay pinayabong lamang ng Amerikano). Ito ang nagbibigay sa atin ng pagnanais na tumungo na lamang sa ibang bansa dahil doon naman nanggagaling ang ginhawa na inaasam ng karamihan. Samakatuwid ang pinag-aaralan tungkol sa nakaraan ay (1) ang kuwento ng mga mayayaman at makapangyarihan (nasaan ang mga magsasaka? Mga sundalo? Mga kabataan? Mga kababaihan? Makikita man, ito ay nasa negatibong istorya), at (2) ang kuwentong hindi natin maintindihan dahil malayo sa mga kagawian ng mga Pilipino at nakasulat sa isang dayuhang wika. Kaya naging boring ito sa marami.
May ilang paraan para mapahalagahan ang kasaysayan.
• Pagpapahalaga sa mga makasaysayang lugar.
Sa pagpapahalaga ng makasaysayang lugar, dapat gawin natin ang pag-iingat dito “Preserve”. Ngunit sa ngayon, pinahintulutan natin na matayo ang Torre De Manila sa likod ng magiting na dambana ni Gat. Jose Rizal. Ito ang tinatawag ng mga milenyal na photobomber sa likod ng monumento ni Dr. Jose Rizal. Ang noo’y magandang tanawin, sinira ng makaperang hangarin. Ang gawaing ito ay nagpapakita ng kawalan ng halaga sa atin ng pagkakakilanlan bilang isang Pilipino.
• Pag-alala sa mga Kultura at kaugalian.
Bawat bansa ay may kani-kanilang kultura o nakagawiang gawain na ipinamana ng kani-kanilang ninuno. May Anim na kultura ang mga pilipino at ito ay ang Wika, Paniniwala, Tradisyon o Kaugalian, Kasuotan at Relihiyon. Sa wika marami tayong lenggwahe sa buong pilipinas. Paniniwala ay ang halimbawa ay mga pamahiin na pinaniniwalaan. Tradisyon ay pagdiriwang mga kapistahan. Kasuotan ang halimbawa ang sinusuot ng mga ninuno natin katulad ng Barong at Saya at iba pa. Relihiyon ay pag-alala at pagsamba sa Diyos.
• Paggamit at pagpapahalaga sa wika
Ang wika, ay parang isang tali na nagbibigkis sa mga tao, ito ay simbolo ng pagkakaisa. Ang mga salitang nagbubuklod sa isang wika ay sumasalamin sa kultura, paniniwala at kasaysayan. Ang wika ay kasangkapan ng tao para sa pakikipag-ugnayan sa kanyang kapwa. Ito ay biyayang galing sa Diyos upang ipaabot ng tao ang kanyang iniisip, nadarama, nakikita at nararanasan sa kanyang kapaligiran.
Mahalaga ang wika sapagkat:
1. Ito ang midyum sa pakikipag-usap o komunikasyon;
2. Ginagamit ito upang malinaw na maipahayag ang damdamin at kaisipan ng tao;
3. Sumasalamin ito sa kultura;
4. At mabisang kasangkapan sa pagpapalaganap ng kaalaman.
Para kay Dr. Zeus Salazar, upang makawala dito, “kailangang pag-aralan ang kasaysayan sa pananaw ng Pilipino, at kailangang magsimula sa pakahulugan sa pag-aaral ng nakaraan ay aangkop sa ating sitwasyon.” Kung ito ay may saysay, may saysay para kanino? Siyempre para sa mga tao. Hindi lahat ng nasa nakaraan ay kailangang pag-aralan, kundi iyon lamang “may saysay” sa bayan. Magagamit ng bayan upang maintindihan ang kasalukuyang sitwasyon nito. Na nagpapakita ng kaisipan at mga ugali ng bayan. Ang pag-aaral ng kasaysayan ay sinasanay ang kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral na sa Age of Information ay isang mahalagang kakayahan na nararapat lamang na hubugin at linangin.
Sa makabagong panahon, panahon na patuloy ang pag-unlad ng nasa paligid, ngunit ganito ba natin tatahakin ang kaunlaran, matatalikuran ang sariling wika, kultura at kasaysayan makamit lamang ang pag unlad na inaasam? Isasantabi ang mas malalim na pag-aaral sa sariling Wika at yayakapin ang dayuhang lengguwahe, kultura at paniniwala? Ganito ba dapat magsimula ang pagbabago? Saan tayo dadalhin ng makadayuhang hangarin? Sino pa ang gagayahin natin? Sana’y makatulong ang aming Blog na ito upang magpursigi tayo na pag-aralan, pahalagahan at balikan ang ating kasaysayan.
Comments
Post a Comment